Ang Lahing Kayumanggi
Ayon kay Barth Suretsky, isang Amerikanong nanirahan at namatay sa Pilipinas, ang pinaka kapuna-puna at nakababahalang realidad sa kamalayan ng bawat Pilipino ay ang kakulangan nito ng pagmamahal at pag-aangkin sa kanyang pagiging Pilipino. Napansin ni Suretsky na pawangang mga maralita ay naghahangad na maging Amerikano, habang ang mga mayayaman naman ay nakatingala pa rin sa mga Espanyol.Walang gustong maging Pilipino. Aniya, pawang hindi kinakikitaan ang mga Pilipino ng malalim na pagmamahal, pagkakakilanlan, o pag-alaala sa mayaman niyang nakaraan na maaari sanang gumabay sa kanya upang isulong at manguna para sa kinabukasan ng kanyang bansa. “A people without a sense of history is a people doomed to be unaware of their own identity”, ang malungkot na konklusyon at babala ni Suretsky.
Ang lahing Pilipino ba ay sadyang napakahina at ni hindi natin matagpuan ang ating dapat kalagyan sa hanay ng mga bansa sa daigdig? (Sa Amerika, binansagan ang mga Pilipino roon bilang “invisible minority.”)Ang Pilipino ba ay lagi na lamang titingala sa isang banyagang bansa, banyagang mapapang-asawa, o di kaya’y banyagang lahi upang makakuha ng pag-asa at katiwasayan sa buhay?
Mababanaag pa rin hanggang ngayon sa mga Pilipino ang mga matatalinhagang salita ni Rizal noong 1890,
“Ang matinding kasawian sa buhay ng mga Pilipino sa panahon ngayon ay nag-uugat sa kanilang pag-ayon na sila ay gawing mga mangmang. Para sa Pilipino, matatamo lamang ang kaligayahan o kasaganahan sa buhay kung iyong isusuko ang iyong dignidad bilang isang matalinong nilalang, ang pagdalo sa misa, ang paniwalaan ang anumang sabihin sa kanya nang walang kahit ano pa mang pagtatanong o pag-aalinlangan…ang hindi mag-asam o mangarap ng matayog pa sa kanya nang nakagisnan…ang hindi pagtutol o ang pagbubulag-bulagan sa kawalang katarungan o sa kahit ano pa mang paghamak sa kanyang budhi…ang hindi pagkakaroon ng sariling puso, kaisipan, o paninindigan sa buhay, isang nilalang na magpapagal nang walang kapaguran para lamang sa pera….iyan ang Pilipino!” (The Indolence of the Filipinos by José Rizal, 1890)