Sino nga ba ang Pilipino
Mula 1542 hanggang 1877, ang salitang “Filipino” ay tumutukoy lamang sa grupo ng mga Insulares, o sa mga Espanyol na naninirahan sa Pilipinas. Sa kabilang banda, ang mga katutubo ng kapuluan ay tinawag na mga “Indio.”
Noong 1878, si Gat Jose Rizal, sa kauna-unahang pagkakataon, ay ginamit ang salitang “Filipino”upang tukuyin ang mga katutubo ng kapuluan ng Pilipinas.
Makalipas ang higit sa sangdaang taon, noong 1998 – taon ng pagdiriwang ng sentenaryo ng bansa, isang diksyunaryo sa Gresya ang nalimbag kung saan ang kahulugan ng salitang “Filipina” ay isang katulong o alila. Sa ngayon, “Filipinos” din ang pangalan ng isang uri ng biskwit na gawa ng Kraft Foods sa Europa.
Sa isang kainan sa Boracay, isang puting banyaga ang pabulyaw na tinawag ang isang Pilipinang serbidora, “Hey monkey, come here!”, na daglian namang sinunod ng kawawang Pilipina. Tunay ngang nakalulungkot ang mamulat sa katotohanan na ang pananaw ng mundo sa Pilipino sa kasalukuyan ay malayong malayo na kung ihahambing nuong kapanahunan ni Gat Jose Rizal, isang panahon kung kailan ang mga Pilipino sa Europa ay binansagang “kaluwalhatian ng mga unibersidad.”
Sa artikulo ni F. Sionil Jose na pinamagatang “Why We Are Poor”, binabalikan ng premyadong manunulat ang dekada ’50 at ’60 kung kailan ang Pilipinas ang pinaka kinaiinggitang bansa sa buong Timog Silanagang Asya. Subalit ngayon, kahanay na natin ang mga bansang Bangladesh, Sri Lanka, at Ghana pagdating sa pangkabuhayan at panlipunang kalagayan.